Kailan magwawakas ang kahirapan na ating dinaranas? Ito’y may iba’t-ibang kasagutan.
Unahin natin ang trabaho. Kahit itanggi man natin o hindi, kulang na kulang ang oportunidad sa ating bansa. Napakahirap maghanap ng trabaho kahit may natapos ka. Ang ilan nga sa mga gradweyt ng kolehiyo ay napipilitang maging “factory workers” matawid lang sa gutom ang sarili. Karamihan rin sa mga may-ari ng mga kompanya ay mga dayuhan kaya di maiiwasan ang diskriminasyon sa ating lahi. Kapag hindi ka nakatapos ng pag-aaral, napakaliit ng tsansa mong makapasok sa trabaho. Kung papalarin ka namang makapasok sa isang korporasyon, isa pa sa mga magiging problema mo ay ang mababang pasahod. Minsan nga, mababa pa sa “minimum wage” na tinakda ng gobyerno ang ipinasusweldo. Kaawa-awa ang mga trabahador na hindi magawang magreklamo sa takot na mawalan ng trabaho. Ito ay ang nagbunsod sa mga Pilipinong propesyunal na magtrabaho sa ibang bansa. Ayon sa ulat, karamihan sa mga OFW ay mga gradweyt ng kolehiyo ngunit pinili na lamang maging katulong sa ibang bansa dahil sa laki ng sahod doon.
Dumako naman tayo sa populasyon. Noong mga nakalipas na mga taon at sa kasalukkuyan, ang Pilipinas ay isa sa mga may pinakamalaking populasyon sa buong mundo. Ito marahil ang nag-udyok na bigyang halaga ang pagpaplano sa pamilya. Maraming makabagong kagamitan ang naimbento para mapigilan ang pagtaas pa ng populasyon na mariin namang tinutulan ng simbahan. Ayon sa kanila, ang paggamit raw ng mga “contraceptives” ay paraan din ng pagpatay sa bata. Ngunit hindi ba’t mas mabuting gumamit ng makabagong teknolohiya kaysa naman mamatay ang munting supling sa sobrang kahirapan? Dahil nga sa patuloy na pagtaas ng populasyon, naging problema rin ng ating bansa ang pabahay. Ayon sa isang komersyal sa telebisyon, libo-libong pamilya na raw ang binigyan ng bahay ng pamahalaan. Napakakonti pa lang nito kung iisiping milyon– at hindi lang libo– ang dami ng pamilya sa bansa.
Talakayin na rin natin ang edukasyon. Sinasabing ito’y ang susi sa tagumpay. Ngunit sa taas ng matrikula, may pag-asa pa kayang marating ng mahirap nating kababayan ang sinasabing tagumpay? Isa pang suliranin ay ang kakulangan sa guro. Mayroong napa-ulat na isang guro umano ang di marunong awitin ang “Lupang Hinirang” na kinakailangang malaman ng isang Pilipino. Paano nila magagawang turuan ng maayos ang kabataan kung ang kanila ngang sarili ay di nila maturuan? Malaki ring suliranin ang kakulangan sa kagamitan lalung-lalo na sa mga pampublikong paaralan. Kulang sa mga silid-aralan ang mga ito. Kung minsan pa nga, nakatayo na ang karamihan sa mga estudyante dahil kulang ang silya. Problema rin ang mga libro na hindi lahat ng mag-aaral ay mayroon. Dagdag rin sa suliranin ang mababamg kalidad ng edukasyon sa bansa. Ito ay dahil sa KAHIRAPAN.
Ilan lamang ang mga ito sa kasalukuyang suliranin na ating hinaharap. Marami pang iba ang dapat bigyang pansin. Makababangon pa ba tayo sa kahirapan? Tanging Diyos lang ang nakakaalam.